Rene O. Villanueva
A.B. , History, Lyceum of the Philippines, 1975.

TATLONG UNGAS

“LETSENG Pasko! Para lang ‘yan sa mga tao,” asik ni Dyug, na pangisi-ngising sinang-ayunan nina Sharap at Kikay. Sabay na nagtitinga ng  baling walis-tingting sina Sharap at Kikay para masungkit sa kanilang dilaw at mapanghing ngipin ang mga tira-tirang pagkain.

“Tsokey na rin, ang Pasko,” tukso ni Sharap kay Dyug. “Ang daming tsibog. Lagi tayong busog.”

Sisegunda sana si Kikay, pero hindi siya makapagsalita dahil hirap na hirap siyang sungkitin ang litid na tinga sa kanyang ngiping bali na ang isa. Kaya si Sharap lang ang nasinghalan  at nasimangutan ni Dyug. Matapos maalis ni Kikay ang nakabarang tinga at nguyain ito para manamnam nang husto ang natitirang tamis-alat ng huling piraso ng nadekwat nilang kapirasong Chinese ham, nanunukso niyang tinapik sa balikat ang naka-de-kuwatrong si Dyug.

“Bakit ba ayaw na ayaw mo sa Pasko?” tanong ni Kikay kay Dyug, kasabay ng pagkindat kay Sharap na noo’y naninigarilyo.

“Bakeeet?” Umarko ang kilay at boses ni Dyug. “Parang di n’yo alam, ha?”

Nagkibit-balikat si Kikay, na ibig sabihi’y “Itatanong ko pa ba kung alam ko?”

Kaya hinarap ni Dyug ang mga kakosang dagang-imburnal saka inisa-isa ang mga dahilan bakit ayaw na ayaw niya sa Pasko:

Malamig. Ang hirap matulog, lalo kung walang kumot. Kung sa semento lang nakahiga. Kung walang bahay na tinutuluyan. Gaya nila.

Maingay. Tugtugan nang tugtugan ng mga kantang-Pamasko. Ngawaan nang ngawaan ang mga nangangaroling. Kahit wala sa tono.

Magulo. Laging maraming tao. Kahit saan. Lalo sa mga restawran at pasyalan. Ang hirap tuloy sumalisi para makadekwat nang marami.

Nadala ang tatlo sa kanilang sanrekwang reklamo laban sa Pasko.

“‘Tsaka sobrang dami ng pagkain!” irap ni Dyug.

 “Ano? “Bakit pati ‘yon, ayaw mo?” tanong nina Kikay at Sharap

Nameywang si Dyug bago sumagot. 

“Pa’no, sa sobrang dami ng pagkain, hindi natin maubos lahat. Natatapon lang. Nasasayang. Biro n’yo, buong taon tayong nagtitiis magutom. Hirap na hirap tayong mandekwat ng pagkain. Tapos, ‘pag Pasko, ‘yung ibang pagkain, hindi na lang natin pinapansin. Pinababayaan lang nating mabulok. Ang sama no’n, di ba?”

Me katwiran, sa loob-loob ng dalawa. Oo nga naman, sagana talaga sila sa pagkain kung Pasko. Kaya nga halos kain-tulog lang ang ginagawa nila. Hindi sila namamasyal. Hindi nag-aabalang magregalo kahit sa isa’t isa. Hindi nangangaroling. Bakit pa? E pare-pareho naman silang sintunado. Hindi rin sila nagsisimbang-gabi. Ayaw na ayaw nila sa mga parol at Christmas lights dahil lumiliwanag nang husto ang paligid. Mas pabor sa kanila kung laging madilim.

Kaya nagkasundo sila na sa Paskong iyon, palilipasin nila ang pinakamasayang araw sa buong mundo para sa mga tao na parang hindi Pasko. Maghihilik sila buong araw. Siyempre, matapos magpakabundat.

KASO, ilang araw bago sumapit ang Disyembre a-beinte singko, ginulantang ng malakas na iyak ang mahimbing na tulog ng tatlong ungas. 

Padabog na bumangon si Kikay, kasunod sina Dyug at Sharap. Dinampot ni Kikay ang isang lumang takong ng sapatos na malapit sa higaan niya. Handa na sana siyang sugurin sinoman ang buwisit na  istorbo, pero pinigil siya ni Dyug.

“Parang iyak ng bubuwit,” sabi ni Dyug, na kunot ang noo.

“Tingnan natin,” yaya ni Sharap.

Mabilis silang tumakbo saka lumukso sa kabilang pampang ng kanal na may umaapaw na basurahan sa tabi. Nanlaki ang mga mata nila sa nakita. 

Bubuwit?

Bubuwit nga! Marosas-rosas na bubuwit na basa pa ang katawan, pikit pa ang dalawang mata, at kakawag-kawag ang maliliit na kamay at paa!

“Ngiii! Bagong panganak pa lang siya,” sabi ni Kikay. 

“E bakit itinapon sa basura?” tanong ni Sharap. 

Nagkatinginan ang tatlong patapon. Iyak nang iyak ang bubuwit. Nanunulis ang maputlang nguso. Nangangatog sa ginaw.

“Walang pusong daga lang ang gagawa nito,” sabi ni Dyug, na agad humablot ng makapal at punit na gift-wrapper sa bunton ng basura para ipambalot sa hubad na sanggol.

Umakyat sa bunton ng basura sina Sharap at Kikay. Kumuha si Sharap ng isang piraso ng makapal na karton. Kinaladkad ni Kikay ang isang maliit na boteng plastik na may natitira pang konting gatas.

Dinala ng tatlong siga ang bubuwit sa isang mainit-init na lugar sa kampo nila sa likod ng kusina. Doon nila pinagyaman ang sanggol na daga. Inihiga nila ang bubuwit sa makapal na karton na pinagtulungang ayusin nina Dyug at Sharap para magmukhang kuna. Si Kikay ang nagpatak-patak ng gatas sa bibig ng bubuwit. Mabilis na nakatulog ang sanggol. Saka pa lamang muling natahimik ang tatlong walanghiya.

Pero buong gabi silang hindi nakatulog.

KASABAY ng kalembang ng kampana para sa simbang-gabi, bumangon sina Kikay, Sharap at Dyug. Agad nilang sinilip ang bubuwit. Naghihilik pa ang sanggol na daga! Tuwang-tuwa sila, pero pinigil nilang tumawa nang malakas.

Si Kikay ang unang nagtanong. “Ano’ng gagawin natin sa bubuwit na ‘yan?”

Iisa ang nasa isip ng tatlong tigasin, pero hindi nila masabi  dahil baka isipin ng isa’t isa na lumalambot sila. “Alangan namang itapon at pabayaan na lang natin ‘yan!”

Sumisikat na ang araw, wala pa ring kumikilos ni isa sa kanila para magnakaw ng almusal. Tahimik na tahimik na nag-iisip ang bawat isa. Na dati’y di nila ginagawa.

Si Dyug ang nag-simula. “Walang ibang mag-aalaga sa kanya.”

“Oo nga,” tango ni Kikay. 

“Pero paano natin siya aalagaan?” tanong ni Sharap.

Paano nga naman mag-aalaga ng isang bubuwit ang tatlong ungas e sila’y mga dagang pakalat-kalat lang. Walang kamag-anak. Walang bahay. Wala kahit anong gamit. Humihilata sila kahit saan kapag inantok. Nagnanakaw ng pagkain kapag nagutom. Nang-aaway o nambubulahaw kapag sinumpong.

“Pero walang ibang mag-aalaga sa kanya,” himutok ni Kikay.

“Bakit naman tayo ang mag-aalaga sa kanya?” tanong ni Sharap, na walang panahon sa malalapot na sentimiyento de-asukal.

Bakit nga naman sila? E mga ungas sila. Astig. Halang ang kaluluwa. “Mga animal!” ‘Yan ang mura sa kanila ng kahit sinong taong bumabato sa kanila ng tsinelas, bakya o pamalo kapag nakita sila.
 

Bakit nga naman sila? Samantalang pinabayaan na sila ng kani-kanilang pamilya. Itinakwil. Itinaboy.  Kaya pinatibay na sila ng pamumuhay na walang inaasahan kundi sarili lang nila.

MATAAS na ang araw nang muling umiyak ang bubuwit. Pakawag-kawag na naman ang mga kamay at paa. Nanunulis ang nguso na parang may hinahanap. Naputol ang pagtatalo ng mga ungas. Naghagilap ng pagkain sina Sharap at Kikay. Si Dyug ang naiwan para magbantay sa iingit-ingit na bubuwit.

Matapos pasusuhin ng gatas ang bubuwit, pinalitan nila ng makintab na palara ang kumot nito. Nilinis nila ang paligid para walang langaw o lamok na magdala ng peste sa kanilang puwesto. Binutasan ni Sharap ang dingding ng kusina para may makapasok na hangin.

Nang mapagod ang tatlong ungas sa pag-aabala sa bubuwit na basta na lang itinapon sa basurahan na parang dagang walang halaga sa ibabaw ng mundo, seryosong sinabi ni Dyug sa dalawang kasama: “Tayo na lang ang mag-alaga sa kanya!”

Ungas talaga ang tatlo! At pareho-pareho ang takbo ng utak kaya sumang-ayon sa panukala ni Dyug.

Mula nang hapong ‘yon, lalo na nang mga sumunod na araw, nagbago ang buhay ng mga walanghiya. Naghanap sila ng permanenteng lungga. Na ayon kay Dyug ay tatawagin nilang tahanan. Regular na kung maghanap sila ng pagkain. Hindi lang para sa kanila, kundi para sa bubuwit na bininyagan nilang “Latigo,” dahil ang bilis humaba ng buntot nito.

Nagtoka-toka sila sa oras ng pag-aaalaga kay Latigo, pero madalas sabay-sabay din  silang natataranta kapag nagigising ang bubuwit, na ngayon ay nakakakita na at gustong-gustong makipag-It-Bulaga!  sa kanila.

Ang matindi pa, noong Misa de Aguinaldo, sa kapilyang malapit sa lungga -- este, tahanan pala nila -- sabay-sabay silang tumuntong sa basurahang nasa gilid ng pader ng kapilya. Kasama nila si Latigo, siyempre. Pinayungan nila ang sanggol na daga ng isang tirang tenga ng lechong nginangalot-ngalot nila ang maantang gilid habang nakikinig sa banal na misa.

At ang mga ungas -- hindi na nahiya! -- ang tawag ba naman ngayon sa samahan nila’y pamilya. ‘Di ba naman? Mga animal talaga!

 


CWC RESIDENT FELLOW: PROFILE 

WORKS:
Plays:Apat na Dula, 1998; Teleplay (Gabay sa Pagsulat at Anim na Dulang Pantelebisyon), 1994; Tonyo: Manologo ni Antonio Luna, 1991; Botong, 1990; May isang Sundalo at Iba Pang Dula, 1988.
Literary Criticism: Ang Sining ng Pagkatha ng Tula at Dula (coeditor), 1987.
Children's Literature: Fifty books in Children's Literature (fiction, biography, nonfiction, anthology)
Anthology: Galian: Mga Akda sa Panahon ng Krisis (coedited with Virgilio S. ALmario & Michael L. Begonia), 1983.

AWARDS:
TOYP, New York Film and TV Festival, First Latin American Video and Film Festival (Columbia), Japan Prize (Preschool Category), Prix Juenesse Winner (Germany), TOYM, CCP, Gawad Collantes, Gantipalang Quezon, National Book Award, Palanca.
 
[Back to Cover]
[Previous]
[Next]